Claudine vs. editor ng YES magazine:
TUMITINDI ANG GIYERA!
Allan Diones
Nakakuha kami ng kopya ng resolusyon ng Office of the City Prosecutor ng Quezon City (may petsang Agosto 28, 2006) recommending that Claudine Margaret C. Barretto be charged with three (3) counts of libel, kaugnay ng criminal case na inihain sa kanya ng editor-in-chief ng YES! magazine na si Ms. Jo-Ann Quimson Maglipon.
Matatandaan na noong Hulyo 2005 ay nag-file si Claudine ng civil suit for injunction and damages laban kay Ms. Jo-Ann, at noong Agosto 2005 ay nagsampa ng criminal suit for libel si Maglipon kay Barretto na nag-ugat sa mga binitiwan nitong pahayag sa telebisyon (na kapagkuwan ay nasulat sa mga pahayagan) na:
"For the past several years, I have been a victim of unfair and irresponsible journalism in violation of my and my family’s basic human rights. I may be a public personality, but I also deserve to be treated like a human being.
"I now exercise my right to fight back, and in the proper forum. I have sued Ms. Jo-Ann Maglipon to compensate for me for the pain and suffering she has caused me and my loved ones.
"I have also asked that she and the people she employs be forever restrained from being near me within a radius of two hundred fifty (250) meters, to ensure that she cannot cause further damage in the future."
Halos isang taon ding dumaan sa proseso ng mediation sina Claudine at Ms. Jo-Ann, pati na ang anak na dalaga ni Ms. Jo-Ann na si Patricia Marcelo na idinemanda rin si Claudine.
Sa pag-asang makukuha ang lahat sa maayos na pag-uusap, pumasok sila sa mediation na sumasakop sa tatlong kaso: civil suit ni Claudine vs. Jo-Ann, criminal suit ni Jo-Ann vs. Claudine, at civil case ni Patricia vs. Claudine.
Ilang beses nagkaroon ng mga pagkikita at pag-uusap sa korte ang magkabilang panig, pero sa pinaka-crucial na meeting nila sa harap ni Judge Ramon Cruz noong Hunyo 29, 2006 ay hindi sumipot sa korte si Clau-dine.
Ayon sa kampo ni Ms. Jo-Ann, si Claudine mismo ang humingi ng pakikipagharap na ‘yon sa nasabing judge at nilaktawan pa umano nito ang mediator.
Naroon sila ng anak niyang si Patricia pero hindi dumating si Claudine noong araw ng meeting.
Ayon sa abogado ni Claudine na si Atty. Raymond Parsifal A. Fortun, may appointment umano ang aktres nu’ng araw na ‘yon kaya hindi ito nakarating, gayong matagal nang naka-set ang nasabing meeting.
Ayon kay Ms. Maglipon, "I am sure that ABS-CBN would have allowed her (Claudine) to appear in court in a very important case involving her."
Pagkatapos niyon ay tila lumabo nang madaan pa sa anumang uri ng pag-uusap ang kaso. Hanggang sa kamakailan ay naglabas na ng resolusyon ang 2nd Assistant City Prosecutor ng QC na si Perfecto Lawrence D. Chua Cheng V hinggil sa criminal case na inihain ni Ms. Jo-Ann at ayon dito ay may prima facie evidence na she (Claudine) committed libel against Ms. Maglipon in three counts.
Noong Lunes, Setyembre 11, 2006 ay nag-post ng bail (P10,000 each count, kaya bale P30,000) si Claudine sa QC Regional Trial Court para maiwasan ang pag-iisyu sa kanya ng warrant of arrest.
Ayon sa aming source ay nag-fingerprinting sa korte si Claudine, hindi lang sigurado kung kinunan din ito ng mugshots (front, left & right profile shots) dahil maaari raw magdala ng sariling photos ang respondent para makaiwas sa mugshots.
Hindi nakunan ng mga taga-media ang nasabing court appearance ni Claudine dahil ang sabi umano sa press ay 3:00 PM ito, pero nang dumating sila sa nasabing oras ay tapos na pala.
Criminal complaint ang ikinaso kay Claudine kaya ‘pag hindi umano nakapagpiyansa ay maaari itong arestuhin kapag nagbaba na ng arrest warrant ang judge.
Noong Martes ay nagpahayag umano ang abogado ni Claudine na si Atty. Fortun sa telebisyon na, "If she wants war, we’ll give her war!" patungkol kay Ms. Jo-Ann.
Arraignment na ang kasunod nito, kung saan magbibigay ng guilty or not guilty plea si Claudine sa korte.
Itinakda ang kanyang arraignment sa Oktubre 4 at Oktubre 24 sa QC RTC. Sa tatlong counts of libel ay tatlo rin ang judge. Hindi pa nase-set kung kailan ang third and last arraignment.
Ayon sa abogado ni Ms. Jo-Ann na si Atty. Sandra Marie Olaso-Coronel, kapag hindi sumipot sa arraignment si Claudine ay maaari itong isyuhan ng warrant of arrest.
Malamang sa pre-trial hearing pa magkikita sa korte sina Claudine at Ms. Jo-Ann dahil hindi kailangang pumunta sa arraignment si Ms. Maglipon.
www.abante-tonite.com/issue/sep1606/main.htm